Trinidad, pinakaunang LINGKOD awardee ng Imus
Division Information and Action Officer

Kinilala ng Schools Division Office of Imus City si Matea-Alvyn H. Trinidad, OIC-Senior Education Program Specialist ng Planning and Research Section, bilang kauna-unahang LINGKOD awardee matapos magpamalas ng angking galing, kabutihan ng puso at kahusayan sa pampublikong serbisyo.
Sa isang simpleng seremonya noong Pebrero 4, hinirang si Trinidad bilang kapuri-puring empleyado para sa buwan ng Enero alinsunod sa pamantayang itinakda ng Division Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) Committee.
Kabilang dito ang attitude and commitment, 20%; interpersonal skills, 20%; work performance, 20%; personal traits, 20%; at people’s choice, 20%.
Iginawad ni Dr. Hermogenes M. Panganiban, OIC-Schools Division Superintendent, kay Trinidad ang sertipiko ng pagkilala bilang isang modelong Lingkod na Isinasabuhay nang may Natatanging Galing ang Katungkulan sa Organisasyon at sa Diyos (LINGKOD).
Kasama ring nagkaloob ng sertipiko ang mga iba pang bumubuo sa PRAISE Committee na sina Galileo L. Go, OIC-Assistant Schools Division Superintendent, Gregorio A. Co Jr., OIC-SGOD Chief, at Dr. Glenda DS. Catadman, OIC-CID Chief, Riza C. Garcia, SEPS-HR, at Rebecca M. Monzon, AO-V.
Sa kanyang mensahe ng pagtanggap, nagbahagi si Trinidad ng tatlong repleksyon na maaaring tandaan at isapuso ng mga kapwa empleyado.
Aniya: “Una, wala kang ibang kakumpitensiya kung hindi ang sarili mo kaya you always make a better version of yourself everyday.”
Binigyang-diin din ng LINGKOD awardee ang pagmamahal at pagrespeto sa mga kasamahan sa trabaho “lalo at higit ang mga nasa laylayan ng palda kasi sila ang tunay na magdadala sa iyo pataas sa rurok ng tagumpay.”
“Sa mula sa puso, tapat at totoong serbisyo, araw-araw modelo kang empleyado,” pagtatapos ng OIC-SEPS.